SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng kagawad ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa NAIA dahil sa pagkakasangkot sa nabulgar na ‘pastillas’ scheme.
Sa kanyang talumpati kahapon sa graduation ceremony ng Public Safety Officers Course, iginiit ng Pangulo ang paniniwala na walang kinalaman si Immigration chief Jaime Morente sa ‘pastillas’ scheme.
“Kahapon I terminated all kay [Bureau of Immigration chief Jaime] Morente. Apparently, si Morente, ano mahal ko ‘yan kasi chief of police siya rito. Mabait ‘yan. Hindi niya kaya, limitado pa rin kasi ano… ‘Yung lahat sa NAIA file-an mo ng kaso tapos pinaalis ko na with the end view of dismissal,” anang Pangulo.
Sa isang kalatas, inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malalang uri ng katiwalian ang ‘pastillas’ scheme na hindi puwedeng palampasin ng gobyerno.
Tatalakayin aniya sa susunod na cabinet meeting ang BI at kung paano pangasiwaan ni Morente ang kawanihan.
“The present situation in the Bureau of Immigration, as well as how it is being run by Commissioner Jaime Morente, will be taken up in the next Cabinet meeting,” ani Panelo.
(ROSE NOVENARIO)