HINDI kostumbre ni Pangulong Rodrigo Duterte na himukin ang Kongreso na madaliin ang proseso ng renewal o pagbasura sa prankisa ng ABS-CBN.
Reaksiyon ito ng Palasyo sa hamon kay Pangulong Duterte na sertipikahan bilang urgent bill ang renewal ng prankisa ng ABS-CBN kung talagang hindi siya kontra rito.
“Bakit naman kailangan magbigay ng urgency ng pag-ano, e ‘di ibig sabihin nagdi-discriminate siya sa isang organisasyon lamang,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Hindi pupuwede kay Presidente, kailangan lahat ay equal ang tratamiyento ng bawat sangay ng gobyerno,” aniya.
Ang pahayag ni Panelo ay taliwas sa ilang naging talumpati ni Pangulong Duterte na hayagang sinabi na titiyakin niyang hindi mare-renew ang prankisa ng ABS-CBN.
“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan [a renewal], I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” ayon kay Pangulong Duterte Duterte sa oath-taking ng mga bagong itinalagang government officials sa Malacañang noong 3 Disyembre 2019.
Habang noong 30 Disyembre sa kanyang pagbisita sa earthquake victims sa Cotabato ay sinabi niyang, “Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo, mag-renew kayo, ewan ko lang kung mangyari. Ako pa sa ‘yo, pagbili na ninyo ‘yan.”
(ROSE NOVENARIO)