IPINASISIYASAT ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nabulgar na ‘pastillas’ sa Bureau of Immigration (BI).
Sa panayam kagabi kay Sen. Christopher “Bing” Go, sinabi niya na ipakakain ni Pangulong Duterte sa Immigration personnel o opisyal ang perang nakabalot sa pastillas wrapper kapag napatunayang sangkot sa katiwalian at nagpapapasok ng mga illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) workers sa bansa.
Sa nasabing anomalya, nagbabayad umano ang POGO workers na nagpapanggap na Chinese tourists ng hanggang P10,000 sa Immigration personnel at nabibigyan pa ng “red carpet welcome” pagdating sa bansa.
Sinabi ni Go, nakausap na rin niya si Immigration Deputy Commissioner Tobias Javier at nagsabing iimbestigahan ang nasabing anomalya.
Tiniyak ni Go, hindi palalampasin ni Pangulong Duterte kung mapapatunayang totoo ang nasabing anomalya at pananagutin ang sangkot na taga-Immigration.
(ROSE NOVENARIO)