NAKATAKDANG makipag-ugnayan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga employer ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan na kabilang sa mga “stranded” dahil sa ipinatutupad na travel ban ng pamahalaan kaugnay ng banta ng corona virus disease o COVID-19.
Ayon kay OWWA administrator Hans Leo Cacdac, tutulong ang Labor office na makipag-ugnayan sa mga employer ng Pinoy workers sa Taiwan para maunawaan ang situwasyon kaugnay sa travel ban.
Pag-aaralan ng OWWA ang financial assistance para sa OFWs sa Taiwan na hindi pa nakababalik sa kanilang trabaho.
Ayon kay Cacdac, sa kasalukuyan ay inaayudahan ng gobyerno ang mga OFW mula China, Hong Kong, at Macau na apektado ng travel ban, na ngayon ay kabilang ang Taiwan dahil sa COVID-19.
Umapela si Cacdac sa publiko na huwag munang mag-isip ng senaryo dahil makikipag-usap ang gobyerno sa Taiwan authorities kaugnay sa situwasyon ng OFWs na hindi na nakabalik sa kanilang employer dahil sa travel ban.
(JAJA GARCIA)