ISA sa sinisilip na motibo ng Pasay City Police ang panghoholdap sa nangyaring pamamaril sa isang driver na may sakay na dalawang Korean national mula sa casino nang harangin ng mga hindi kilalang suspek ang sinasakyang Starex Van ng mga biktima sa Pasay City, nitong Sabado.
Patuloy na inoobserbahan sa San Juan de Dios Hospital ang driver na si Resty Cervantes Jr., 24 anyos, may asawa, ng 261 Biga II, Silang Cavite, sanhi ng tama ng bala sa balikat at bunganga.
Sa isinumiteng progress report sa Southern Police District (SPD) ng Pasay City Police, nangyari ang pamamaril sa panulukan ng EDSA northbound at Roxas Boulevard flyover, Bgy. 76 sa nasabing siyudad, dakong 3:10 am.
Base sa ulat, sinundo ni Cervantes sakay ng puting Hyundai Starex van, may plakang NBZ 8969, ang dalawang Korean national na hindi binanggit ang mga pangalan mula sa Okada Casino and Hotel sa Parañaque City.
Pagdating ng sinasakyang van ng mga biktima sa lugar, biglang humarang sa kanilang daraanan ang isang pulang Toyota Vios, sakay ang mga armadong suspek.
Nagbabaan sa kotse ang mga suspek, agad binaril ang driver na si Cervantes saka binasag ng martilyo ang salamin ng Starex van at sapilitang tinangay ang dalawang bag na naglalaman ng mahahalagang gamit ng mga Koreano at ang susi ng sasakyan ng mga biktima.
Agad tumakas ang mga suspek sakay ng nasabing kotse patungo sa direksiyon ng Gil Puyat Avenue.
Dinala ng Pasay Rescue Team si Cervantes sa nasabing pagamutan upang malapatan ng lunas.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga pulis sa naturang insidente.
(JAJA GARCIA)