PUWEDENG sumikat na naman uli nang husto ang Pinoy sa buong mundo. At ang posibilidad na iyon ay idudulot ng isang dating poultry boy (tagapag-alaga ng mga manok) at batang ipinaampon ng kanyang ama: si Marcelito “Mars” Pomoy.
Pasok na si Mars sa finals ng America’s Got Talent: The Champions sa Amerika.
Sa semifinals, na ipinalabas noong Lunes sa America (pero Martes na ‘yon sa Pilipinas), muling umawit si Mars sa dalawa n’yang boses: isang lalaki at isang babae. Kinanta n’ya ang Time to Say Goodbye ni Andrea Bocelli. Umani siya ng standing ovation sa apat na hurado ng pagtatanghal. Ang mga huradong ito ay sina Howie Mandel, Alesha Dixon, Heidi Klum and Simon Cowell.
Nakalulula ang mga papuri ng mga hurado sa kanya at silang lahat ay nagsasabing posibleng siya ang tanghaling grand champion.
Pahayag ni Howie sa Ingles: “Kailangan kong sabihin na ikaw ang may best shot na mapanalunan ang kompetisyon. Umangat talaga ang laban mo sa semifinals na ito. ‘Yung [boses] ng babae mo ay kasing husay niyong nakaraan. Pero ang [boses] lalaki mo ay mas mataginting. Sinubukan ng [boses] babae na tapatan ‘yon pero ‘di siya umabot.”
Ayon naman kay Alesha, napakagaling ng pagpili ni Mars nang inilaban n’yang kanta.
“Pinaningning ka nIto [ang kantang pinili n’ya]. Talagang nagustuhan ko ang lahat sa iyo, Marcelito. Napakahusay ng performance mo,” papuri ni Alesha.
Ipinagtapat naman ni Heidi na hinihintay n’yang umawit si Mars dahil ito ang paborito n’ya sa lahat.
Hinamon naman ni Simon ang kinatawan ng mga Pinoy, “take a bigger risk because the surprise is now over.” Ibig sabihin ay isa pang mas matinding sorpresa ang dapat ipakita ng kampeon ng Pilipinas Got Talent 2011 sa nakatakdang finals.
Gayunman, inamin ng mataray na si Simon na may napakalaking career na nag-aabang kay Mars pagkatapos ng kompetisyon.
Bukod sa dating poultry boy, may lima pang mula sa iba’t ibang bansa na pumasok din sa finals noong gabing iyon. Ang mga ito ay sina Hans, Tyler Butler-Figueroa, Alexa Lauenburger, Sandou Trio Russian Bar, at Duo Transcend.
Lahat sila ay makikipagtunggali sa apat na Golden Buzzer na ‘di na dumaan sa semifinals dahil sa pasya ng mga hurado sa pagsali pa lang nila sa elimination round. Ang apat na ‘yon ay sina: Angelina Jordan, Boogie Storm, V. Unbeatable, at Silhouettes. Sa susunod na linggo nakatakda ang finals.
Masasabing kilala na rin sa buong mundo si Mars dahil sa dalawa n’yang boses bago pa man siya sumali sa America’s Got Talent: The Champion. Inimbita siya sa The Ellen DeGeneres Show noong 2018 pagkatapos siyang mapanood ni Ellen DeGeneres sa You Tube.
Alam n’yo na bang nadiskubre ni Mars na kaya n’yang kumanta ng boses lalaki at boses babae habang nag-aalaga siya ng mga manok? Kung ang ibang nakagagawa nito ay medyo bumubuwelo pa tuwing magpapalit sila ng tinig. Si Mars ay napakakinis, walang patlang kung magpalit ng boses.
Kung ‘di tayo nagwagi ng Miss Universe kamakailan para tumunog tayo uli sa buong mundo, baka ang dalawang boses ng dating poultry boy ang magdala muli sa kasikatan sa buong daigdig.
Ang mga hurado lang at ilang piling “superfan” ang magpapasya ng kung sino ang magwawagi sa finals. Walang text at online votes na makapagpapataas sa puntos ng mga finalist.
Ipagdasal natin na magwagi si Marcelino Pomoy.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas