TATLO katao na kinabibilangan ng mag-asawang sexagenarian ang namatay sa sunog na naganap sa Novaliches Quezon City at sa Baseco Compound, Port Area, Maynila nitong Martes at Miyerkoles ng madaling araw.
Hindi nakalabas ng bahay ang mag-asawang senior citizens sa sunog na naganap sa Novaliches, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mag-asawa na sina Crisencio Catig, 66, at Salvacion, 63, kapwa nakatira sa Block 11 Lot 16, Neptune Street, Phase 3, North Olympus, Barangay Kaligayahan, Fairview, Quezon City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, ang sunog ay naganap dakong 4:10 am, 5 Pebrero.
Sa imbestigasyon, nagsimula ang apoy malapit sa pintuan ng bahay kaya hindi nagawang makalabas ng bahay ng mag-asawa na kapwa natagpuang sunog na mga bangkay sa kanilang banyo.
Nagtagal nang 30 minuto ang sunog na itinaas sa unang alarma at idineklarang fire out dakong 4:40 am.
Ayon kay QC-BFP F/Insp. Marvin Mari, inakala ng mag-asawa na ligtas sila sa loob ng banyo kaya roon sila nagtago habang nasusunog ang kanilang tahanan.
Payo ni Mari, kapag ang isang indibiduwal ay nakulong sa nasusunog na kabahayan, mas mainam na magtalukbong ng basang kumot, saka gumapang papalabas ng tahanan.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang BFP – QC para mabatid ang dahilan ng sunog.
Sa BASECO, isang lasing na lalaki ang namatay sa loob ng bahay na sinabing pinagmulan ng sunog dahil natumba umano ang kandilang ginagamit.
Naganap ang malaking sunog sa residential area sa Blk. 15 Baseco Compound Port Area, Maynila Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Gino Escobedo, 42, walang asawa, jeepney driver, tubong Bicol at residente sa 0219, Block 15-A, Baseco Compound.
Dakong 11:05 pm nitong Martes nang magsimula ang sunog na itinaas sa Task Force Bravo at idineklarang fire out ganap na 2:48 am kahapon, Miyerkoles.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay na inookupahan ni Mary Jane Papauran.
Nawalan ng tirahan ang nasa 1,033 pamilya na naapektohan ng sunog ayon kay Manila Social Welfare and Development (MSWD) Director Re Fugoso.
Tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog na umabot sa 300 kabahayan ang natupok ng apoy.
Bahagya rin nadamay ang eskuwelahang Corazon Aquino Elementary School dahil sa lawak ng sunog na nasa tabi ng seawall ng Baseco.
Kinokompirma ng BFP ang mga ‘haka-haka’ tungkol sa pinagmulan ng sunog. (ALMAR DANGUILAN)