UMAPELA ang Embahada ng Filipinas sa Tripoli na hangga’t maaari ay tamang impormasyon ang ilathala.
Kaugnay ito ng mga Pinoy na biktima ng fake news sa Middle East.
Hindi lamang Koreano ang biktima ng fake news sa Filipinas kung maging mga Pinoy ay biktima na rin ng fake news sa Middle East.
Labis na ikinalungkot ng Embahada ng Filipinas sa Tripoli ang inilathala ng isang local online publication na larawan ng isang Filipino na nagtatrabaho sa Libya na sinasabing pinaghihinalaang nagtataglay ng novel corona virus (nCoV).
Maging ang pasaporte at iba pa ang mga detalye ng nasabing Filipino ay inilathala din ng publication sa kabila na nilinaw ito ng mga awtoridad.
Una rito, ipinaalam ng employer ng Filipino worker sa Embahada na batay sa medical tests na isinagawa ng Libya health authorities, walang indikasyon na nagsasabing ang Filipino national ay nagtataglay ng virus.
Naiintindihan ng Embahada na ang bagay ay public concern, hindi lamang sa Libya kundi sa ibang bahagi ng mundo at hiniling na mga accurate o tamang impormasyon ang mai-publish upang hindi makadagdag sa lumalalang balita sa bagong outbreak.
Nauna rito, isang lasing na Koreano na nakahandusay sa isang bangketa sa Malate, Maynila ang kumalat sa social media na biktima ng nCoV kaya walang lumalapit sa kanya sa takot na mahawa.
Ngunit paglaon, nabatid na labis na nalasing ang Koreano kaya nahandusay sa bangketa.
(JAJA GARCIA)