HABANG may oversupply ng mga damit ang bakwit sa Tanauan City Gymnasium, nagkukulang naman sa mga gamot at pagkain.
Ayon sa mga bakwit, nagkakasakit na sila maging ang kanilang mga anak dahil sa congestion.
Wala rin anila silang regular na rasyon ng pagkain.
Ayon kay Georgina Quembo, taga-Barangay Ambulong ng Tanauan, halos dalawang linggo na silang nasa evacuation center at walang pinagkakakitaan.
“Inuubo’t sipon na kami rito at hanggang ngayon wala pang sinasabi kung kailan kami pauuwiin,” ayon kay Quembo.
Si Quembo at ang kanyang asawa na si Domingo ay nagtitinda ng tawilis sa bahay nila malapit sa Talisay.
“Dahil sa kawalan ng kita nagtitiyaga kami sa kung ano ang ibigay sa rasyon,” ani Quembo.
Ganoon din ang reklamo ni Jocelyn Austria.
“Hindi po regular ang rasyon, kanina mayroon, ngayon wala,” ani Austria.
Si Austria at Quembo ay parehong taga-Ambulong, ang isa housewife habang nagtatrabaho ang asawa.
Kasama sila sa 1,483 bakwit na lumikas sa Ambulong sa Tanauan at Agoncillo sa Batangas.
Ngayon, sila ay nakatira sa mga cubicle na gawa sa lona higit dalawang metro kuwadrado ang laki.
Kinuwestiyon nila ang desisyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagbabawal na pumasok sa barangay nila ngayong tahimik ang bulkang Taal.
“Tahimik na nga po ang Taal e bakit ga ayaw kaming pabalikin,” himutok ni Quembo.
“Sana po, maawa naman sila at pabalikin na kami,” pakiusap ni Austria.
ni GERRY BALDO