MATINDING banta ng pagsabog ang indikasyon ng maraming paglindol na ibig sabihin ay umaangat ang magma sa bunganga ng bulkang Taal.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum, sakaling sumabog ang bulkan, maglalabas ito ng ring of clouds na mapanganib sa tao.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi pa ibinababa ng Phivolvs ang alert level 4 sa bulkang Taal.
Maaari aniyang hindi nakikita ng ordinaryong mamamayan ang mga aktibidad sa loob ng bulkan kaya inaakala na tahimik na ito.
Kaugnay nito, ipinagbawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng commercial activities na sakop sa 14-kilometer danger zone.
Inilabas ng DILG ang kautusan kasunod nang pagbubukas ng ilang establisimiyento sa Tagaytay City sa Cavite isang linggo matapos ang pagsabog ng bulkang Taal.
Ipinagbawal rin ang pagbibigay ng window hours ng mga lokal na pamahalaan sa mga residente para makabalik sa kanilang mga inabandonang bahay habang nakataas sa alert level 4 ang bulkang Taal.
(ROSE NOVENARIO)