NASAMSAM ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor) ang iba’t ibang uri ng kontrabando kabilang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu matapos magsagawa ng Oplan Galugad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kahapon ng madaling araw.
Nagsagawa ng sorpresang operasyon sa pangunguna ni BuCor Director General Gerald Bantag sa loob ng Reception and Diagnostic Center ng NBP dakong 5:00 am.
Sa isinagawang paggalugad, nakasamsam ng P80,000 cash, isang cellphone, baraha, USB/cable wire, improvised deadly weapons, at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Bantag, nakuha nila ang nasabing droga sa isang kahon ng posporo sa loob ng RDC.
Paliwanag ni Bantag, may nakalulusot pang kontranbando sa loob gayong mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na dalaw o mga kawani ng BuCor.
Aniya, kanyang paiimbestigahan kung kanino ang mga nakuhang kontrabando sa naturang lugar.
Nakatakdang i-turnover sa tanggapan ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang nakuhang hinihinalang shabu para isailalim sa laboratory test.
(JAJA GARCIA)