DINAKIP ang apat na hinihinalang ‘tulak’ ng shabu nang makompiskahan ng droga, pampasabog, baril at bala sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo ang apat na sina Michael Meneses alias Warlito, 38 anyos, residente sa Caloocan City; Marineil Santos, alyas Robert, 35, Angel Retiro, alias Angel, 18, kapwa taga-Malabon City, at Von Edgar Barrientos, alyas Von, 27 anyos, ng Pandacan Maynila.
Dakong 2:30 am nitong 15 Enero, nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Novaliches Police Station (PS4) sa pangunguna ni P/Lt. Col. Hector Amancia ang buy bust operation laban sa apat sa tapat ng Shell Gas Station sa Susano Rd., Novaliches, Quezon City.
Isang undercover operative ang nagsilbing poseur buyer at sa aktong ibinibigay ng mga suspek ang biniling droga ay agad nagsilabasan ang nakakubling mga pulis saka dinakip ang apat na tulak.
Nakompiska sa apat ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money, mga cellular phone na ginagamit sa kanilang transaksiyon, isang caliber .38 revolver, isang caliber .45 pistol mga bala at pampasabog.
Pinuri ni Gen. Montejo ang publiko dahil sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa kanila hinggil sa bawal na gawain ng mga residente sa kani-kanilang lugar.
“Dahil sa patuloy nating kampanya laban droga at sa tulong ng mga impormasyon mula sa publiko, nahuhuli natin ang drug suspects. Iimbestigahan din natin ‘yung iba na nahulihan ng baril baka involved sila sa iba pang krimen,” dagdag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)