NAG-INSPEKSIYON ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang tindahan ng medical supplies na nag-aalok ng face mask sa Sta. Cruz, Maynila nitong Martes ng umaga.
Isinagawa ang inspeksiyon dakong 11:30 am sa pangunguna ni DTI Undersecretary Ruth Castelo nang makatanggap ng reklamo kaugnay sa overpriced o biglang pagtaas ng presyo ng face mask lalo ang N95 dahil sa lakas ng demand makaraang pumutok ang bulkang Taal.
Sopresang binisita ni Usec. Castelo ang Quiricada at Bambang streets sa Maynila ang ilang tindahan na nagbebenta ng medical supplies gaya ng face masks.
Sinita ang isang tindahan dahil sa sobra-sobrang halaga ng N95 mask, na nasa P120 ang halaga bawat isa.
Paliwanag ng tindera (hindi na binanggit ang pangalan) P85 aniya ang bili nila sa supplier.
Pero ayon kay Castelo, 10% angpatong alinsunod sa batas.
Sinabi ni Castelo, posibleng ang nasabing tindahan ay mahaharap sa kasong profiteering at illegal price manipulation, sa ilalim ng Fair Trade Act.
May iba pang iisyuhan ng notice of violation dahil sa overpricing ng ibinebentang face masks.
Nabulgar ang isang tindahan sa Rizal Avenue, makaraan mabulaga ng DTI na nagbebenta ng pekeng N95 masks.
Pero paliwanag ng tindahan, nasa linya ng N95 mask ang naturang face mask, na nasa halagang P100.
Nauna nang inireklamo na tumaas sa P100 hanggang P500 ang bentahan ng N95 masks, sa ilang mga botika at online shop.
Muling nagbabala si Castelo sa mga negosyanteng sinasamantala ang krisis dahil sa bulkang Taal, para makapagtaas ng halaga sa mga produkto.
Aniya, posibleng maharap sa mga kaso ang mapapatunayang nandaraya sa mga mamimili, na may katapat na multang P5,000 hanggang P1 milyon.
Binigyang-linaw ng DTI, ang isang kahong N95 face mask ay nagkakahalaga ng P500 kada kahon pero nitong nakalipas na araw ay umabot sa P2,000 kada kahon. (JAJA GARCIA)