ISUSUNOD na ililikas ng pamahalaan ang mga alagang hayop na naiwan at naapektohan rin ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa press briefing ng Laging Handa sa Malacañang, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Casiano Monilla, sa kasalukuyan, hindi pa nila matutukoy kung kailan nila masisimulan ang paglilikas sa mga hayop.
Nananatiling ang prayoridad nilang mailikas ay mga residente sa bisinidad, at mailayo sila sa banta laban sa kanilang kaligtasan.
Sinabi ni Monilla, noong naglikas sila ng mga residente, hindi sila nagkaroon ng tsansang ilikas ang mga hayop dahil pumutok na ang bulkang Taal.
May mga residente aniya na hindi agad sumunod sa kanilang abiso at gumalaw lamang noong lumala na ang sitwasyon doon.
Nagpahirap rin aniya sa evacuation ang mga pag-ulan.
Gayonman, tiniyak ni Monilla na ginagawa ng kanilang hanay ang lahat upang mailikas ang lahat ng apektado.
Pinag-aaaralan na rin nila kung saan maaaring dalhin ang mga ililikas na hayop.
Nanawagan din si Morilla sa volunteers na magpatala muna sa command post bago pumasok sa nasalantang lugar upang agad maabisohan o masaklolohan sakaling lumala ang sitwasyon. (ROSE NOVENARIO)