BINARIL at napatay ang isang intelligence officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kanyang kabaro, habang dalawa ang nasugatan nang pumagitna at awatin ang kasama na nakitang nakikipagtalo sa isa sa kostumer sa comfort room ng isang kainan sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, kinilala ang napatay na si Mark Jerome Rivera Almeyda, 30, PDEA Intel officer-1, at residente sa Marville Subd., Maayao Kaunlaran, Lucena City.
Sugatan sina Joshua Gonzalo Marfil, 21, estudyante ng Maligaya Subd., QC, at Jhay-Ar Dalijan Ramos Jr., 23, binata, waiter at naninirahan sa Brgy. San Agustin, QC.
Ang mga sugatan ay kasakuyang inoobserbahan sa Commonwealth Hospital & Medical Center dahil sa tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.
Agad naaresto ang suspek na si Jonathan Sagun Chua, 35, binata, PDEA Intel Officer ng ICF San Fabian St., Brgy. 20, Tondo, Maynila, habang nakatakas ang kasamang si Rodolfo Lavarias Espeleta, 25, binata, PDEA Intel Officer at residente sa Blk 59, Lot 33 Sto. Niño 1, CSJDM Bulacan.
Batay sa inisyal na report ni P/SSgt. Agrabiador Bartolome ng QCPD Fairview Police Station 5, dakong 1:00 am kamakalawa, 7 Enero, nang maganap ang barilan sa loob ng Bodega Food Hub na matatagpuan sa Mindanao Ave., Brgy. Greater Lagro sa nasabing lungsod.
Una rito ay namataang nagtatalo ang biktimang si Marfil at ang suspek na si Espeleta kasama si Chua sa labas ng male comfort room ng nasabing establisimiyento.
Nagtangkang awatin ng mga biktimang sina Almeyda at Ramos ang pagtatalo ng dalawa ngunit imbes huminahon ay agad bumunot ng baril si Espeleta at pinaputukan si Marfil.
Pagkatapos barilin si Marfil, galit na pinagtuunan ang mga umawat na sina Almeyda at Ramos na sunod pinaputukan.
Nang duguang bumagsak ang tatlong biktima, mabilis na tumakas si Espeleta dala ang baril na ginamit sa pamamaril habang isinugod ni Chua si Almeyda sa Fairview General Hospital ngunit binawian ng buhay dakong 2:17 am nitong 7 Enero, batay sa deklarasyon ni Dra. Charrel Marasigan.
Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni P/Lt. Michael Jabel sa crime scene ang tatlong basyo ng bala at dalawang metallic jacket fragment.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na PDEA officer habang inaalam ang motibo sa naganap na barilan. (ALMAR DANGUILAN)