PUWEDENG sabihing isa lang si Senador Lito Lapid sa bilib kay Coco Martin na sabi nga niya, ‘lodi’ niya ang bida, writer, at direktor ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Sinabi pa ng senador na kung maisipan ni Coco na pumasok sa politika, tiyak mananalo ito dahil gusto siya ng tao lalo na ng kanyang mga manonood na ilang taon na ring binibitiwan sa sikat nitong teleserye.
In short, malaki ang bilib ng senador sa aktor na kung gustuhin mang pasukin ang pagiging public servant at kumandidato, tiyak na ang panalo dahil mahal siya ng tao.
Pero may dahilan kung bakit ayaw pasukin ni Coco ang politika dahil tiyak pagpipiyestahan ang kanyang pribadong buhay na isa sa ayaw nitong mangyari.
Minsang nagpahayag ang actor na hindi dahil isa siyang artista ay puwede nang katayin ang kanyang pribadong buhay. Dapat hindi ihalo ang kanyang buhay artista sa tunay na buhay.
Sa totoo lang, ang pagiging matulungin ng actor ang hinahangaan ng karamihan sa kanya lalo na iyong mga nabibigyan niya ng pagkakataong makaarte muli. Bukod pa ang mga wala sa showbiz kaya kahit wala siya sa katungkulan marami na siyang natutulungan kaya naman bakit pa niya kakailanganing pasukin ang politika kung magiging magulo lang naman ang kanyang buhay.
STARNEWS UPLOAD
ni Alex Datu