APAT katao ang naaresto kabilang ang isang menor de edad estudyante na na-rescue ng mga awtoridad matapos maaktohang sumisinghot ng shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct (PCP)-1 P/Capt. Jeraldson Rivera ang mga naarestong suspek na sina Janis Ian Tamargu, 43 anyos, Rodel Punay, 55 anyos, Ramil Gonzales, 47 anyos at ang 17-anyos binatilyong estudyante.
Batay sa ulat, dakong 11:50 pm, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa concerned citizen ang mga tauhan ng PCP1 at ini-report ang isang grupo ng kalalakihan na nagpa-pot session umano sa loob ng isang bahay sa Republika St., Brgy. 148, Bagong Barrio.
Matapos ito, agad tinungo ng mga tauhan ng PCP1 ang naturang lugar kung saan naabutang bukas ang gate ng naturang bahay at nakita ang mga mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob kaya’t agad dinamba ng mga pulis.
Narekober sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu na nasa 0.28 gramo, nasa P1,904 ang street value, isang nakabukas na sachet na may bahid ng shabu at ilang drug paraphernalia.
(ROMMEL SALES)