MAHIGIT P75,000 halaga ng items ang natangay ng isang miyembro ng basag-kotse gang mula sa dalawang technicians ng internet company sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dakong 7:15 pm, ipinarada ng mga biktima na sina Walter George Medina, 40 anyos, residente sa Centraza Drive, Centraza Village Pamplona 1, Las Piñas City , at Nathaniel Gumtang, 38 anyos, taga-Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City, kapwa technicians ng Miescor Logistics Company, ang kanilang service Mahindra, may conduction sticker EH-1363 sa kanto ng F. Santos at M.H. Del Pilar streets., Brgy. Santolan para magkabit ng internet connection sa Tatawid Market.
Matapos mag-inspeksiyon ang dalawa sa loob ng palengke, bumalik sila sa kanilang sasakyan para kumuha ng mga gamit ngunit nagulat nang makita na bukas na ang pinto sa likod at basag ang sliding door ng kanilang sasakyan.
Nang tingnan ang kanilang mga gamit at iba pang personal na gamit kabilang ang laptop na P35,000, ang halaga, volt ohms meter na halagang P30,000, company tools, dalawang ATM (automated teller machine) na umaabot lahat sa P75,500 ay nawawala na dahilan upang humingi sila ng tulong sa pulisya.
Ayon kina police investigators P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Philip Cesar Apostol, pinaghahanap ang nag-iisang suspek na nakasuot ng puting t-shirt at maong pants na nakunan sa CCTV camera na nakatambay sa naturang lugar at sumakay sa isang Japanese bike nang tumakas na.
(ROMMEL SALES)