MATAPOS ang 14 taon, nasa tuktok ulit ng Southeast Asia ang Filipinas.
Naselyohan na kahapon ng bansa ang overall champion ng 30th Southeast Asian Games sa kabila ng natitira pang sporting events ngayon sa pagtatapos ng palaro.
Ito ay matapos mangolekta ng 139 ginto, 102 pilak, at 107 tansong medalya ang Filipinas habang isinusulat ang balitang ito para sa kabuuang 347 medalya.
Humabol sa koleksiyon ng bansa kahapon ang boxing na humakot ng pitong medalyang ginto gayondin sa athletics na nakakuha ng siyam na ginto ang Team Philippines.
Pormalidad at opisyal na koronasyon na lamang ang hinihintay ng bansa ngayon lalo’t wala nang habol ang Thailand (84-92-103) na biglang umakyat sa segunda puwesto mula sa No. 4
Nasa ikatlo ang Vietnam (81-80-94) habang kinompleto ng Indonesia (69-76-102), at Malaysia (51-52-67) ang top 5.
Ito na ang pinakamagandang performance ng bansa sa SEA Games simula nang maging miyembro noong 1977.
Lampas triple nito ang masagwang performance ng Filipinas noong 2017 SEAG sa Kuala Lumpur, Malaysia na nagkasya lang sa ikaanim na puwesto sa naitalang 23 ginto, 34 pilak at 63 tansong medalya.
Huling nagkampeon ang bansa noong 2005 nang dito ganapin sa Filipinas ang biennial meet.
Noon ay nagposte sila ng 112 gold, 85 silver at 93 bronze medals, ayon sa pagkakasunod.
Kokoronahan ang Filipinas ngayon sa closing ceremonies sa New Clark City sa Capas, Tarlac at para ipasa ang apoy ng SEA Games sa susunod na host — ang Vietnam.
(JOHN BRYAN ULANDAY)