BUMIGAY ang Maynilad at Manila Water sa kagustohan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya papayag magbayad ang gobyerno sa concessionaires ng tubig ng mahigit P11 bilyon sa kasong isinampa laban sa gobyerno sa Singapore Permanent Court of Arbitration.
Sa pagdinig ng House committee on good government kahapon, sinabi ni Jose Almendras, presidente at CEO ng Manila Water; at Ramoncito Fernandez, presidente at CEO ng Maynilad, hindi na sila maghahabol sa gobyerno.
“Hindi na namin hahabulin ang P7.4 billion,” ani Almendras habang sinabi ni Fernandez na, “sang-ayon sa kagustohan ng Presidente at hindi na namin hahabulin ang arbitration award namin.”
Ang dalawang concessionaire sa tubig ay nagsampa ng kaso sa Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Singapore bunsod ng pagbasura ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) sa hinihingi nilang pagtaas sa singil ng tubig.
Bukod dito, ginawaran ng mahigit P3 bilyon ng Singapore based PCA ang Maynilad matapos tanggihan ng gobyerno ang kanilang petisyon na magtaas ng singil mula 2015 hanggang 2017.
Sinabi rin ng Maynilad at Manila Water na ipagpapaliban nila ng pagtataas sa singil sa tubig sa susunod na taon.
Sa Susunod na pagdinig, ipinatawag ng komite ang mga abogado ng gobyerno na may kaugnayan sa agreement ng concessionaires at ng MWSS kasama na si dating Solicitor General Florin Hilbay.
(GERRY BALDO)