NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na sususpendihin ang writ of habeas corpus kapag nabigo ang mga abogado ng gobyerno at mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nagbalangkas ng mga kasunduan sa Manila Water at Maynilad noong 1997.
Inihayag kagabi ng Pangulo ang kanyang paanyaya para sa isang pulong sa MWSS executives at government lawyers noong 1997 upang marinig ang kanilang paliwanag bakit pumasok sa water concession agreements na dehado ang pamahalaan at ang publiko.
“Yung mga abogado noon kung ayaw nilang pumunta rito ‘e ‘di I will drag them. Then if you will force my hand, I will throw my last card. Ayaw ninyo? O sige. I will suspend the habeas corpus at hilahin kayo. Widespread economic sabotage,” aniya.
“Ayaw ninyong pumunta rito? Gusto ko magharap silang lahat dito sa akin. Isa-isahin ko sila, ang abogado ng p*t*ng*n* gumawa ng kontrata. Sino ‘yung mga opisyal ng MWSS? Tanungin ko sila, what the f*ck did you do and screwed the country?” dagdag niya.
Nagbanta rin ang Pangulo na kukunin ang lahat ng ari-arian ng Manila Water at Maynilad kapag hindi siya nakontento sa paliwanag hinggil sa mga kontrata.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo matapos sabihin ng mga pinuno ng dalawang water concessionaires na hindi na nila kokolektahin ang P10.8 bilyong compensation sa gobyerno na iniutos ng Singapore-based arbitration court.
“Now, ‘pag hindi ako ma-satisfy, I will expropriate everything. Kunin ko lahat. Magdemanda ka nang magdemanda tutal dalawang taon na lang, wala na ako,” sabi ng Pangulo.
ni ROSE NOVENARIO
Maynilad, Manila Water
bumigay kay Duterte
BUMIGAY ang Maynilad at Manila Water sa kagustohan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya papayag magbayad ang gobyerno sa concessionaires ng tubig ng mahigit P11 bilyon sa kasong isinampa laban sa gobyerno sa Singapore Permanent Court of Arbitration.
Sa pagdinig ng House committee on good government kahapon, sinabi ni Jose Almendras, presidente at CEO ng Manila Water; at Ramoncito Fernandez, presidente at CEO ng Maynilad, hindi na sila maghahabol sa gobyerno.
“Hindi na namin hahabulin ang P7.4 billion,” ani Almendras habang sinabi ni Fernandez na, “sang-ayon sa kagustohan ng Presidente at hindi na namin hahabulin ang arbitration award namin.”
Ang dalawang concessionaire sa tubig ay nagsampa ng kaso sa Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Singapore bunsod ng pagbasura ng Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) sa hinihingi nilang pagtaas sa singil ng tubig.
Bukod dito, ginawaran ng mahigit P3 bilyon ng Singapore based PCA ang Maynilad matapos tanggihan ng gobyerno ang kanilang petisyon na magtaas ng singil mula 2015 hanggang 2017.
Sinabi rin ng Maynilad at Manila Water na ipagpapaliban nila ng pagtataas sa singil sa tubig sa susunod na taon.
Sa Susunod na pagdinig, ipinatawag ng komite ang mga abogado ng gobyerno na may kaugnayan sa agreement ng concessionaires at ng MWSS kasama na si dating Solicitor General Florin Hilbay.
(GERRY BALDO)