AAPROBAHAN ng Kamara ang P4.1-trilyong pambansang budget sa Martes sa susunod na linggo.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab, tatapusin nila ang bicam sa 2020 budget sa Martes ng umaga para sa hapon ay maratipikahan na ito sa plenaryo ng dalawang kapulungan.
Sinabi ni Ungab na sinisikap nilang makamit ang target sa mas maagang aprobasyon ng budget upang maisumite agad at mapapirma kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, itinanggi ni Committee on Appropriations Vice Chairman Joey Salceda na may mga problema pa sa final version ng pambansang pondo.
Matatandaan na unang sinabi ni Salceda na may pagkakaiba sa inilaang pondo ng Kamara at Senado sa Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Magkakaiba ang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso kaugnay sa budget ng DOH na P88.92 bilyon ang alokasyon ng Kamara pero P100.49 bilyon naman sa Senado.
Ang DOTr naman ay binigyan ng pondo ng Kamara na P146.04 bilyon mas mataaas kompara sa P120.32 bilyon ng Senado habang sa DPWH naman ay binigyan ng mga kongresista ng P529.75 bilyon pero P536.58 bilyon naman sa mga senador.
(GERRY BALDO)