PATAY ang isang kareretirong pulis, na isang drug suspect makaraang manlaban sa mga operabita ng pinagsanib na Quezon City Police District (QCPD) sa isang buy bust operation sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat kay QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni P/Maj. Elmer Monsalve, ang napatay ay kinilalang si retired P/Cpl. Tirso Agustin Lactaotao, 48 anyos, na sumailalim sa optional retirement mula sa Philippine National Police (PNP) nitong Nobyembre.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong 12:25 am sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng QCPD, PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), Regional Special Operations Group – National Capital Region Police Office (RSOG-NCRPO) at Calabarzon police, sa Brgy. Novaliches Proper.
Nakahalata ang suspek na mga pulis ang katransaksiyon kaya nagpaputok sa direksiyon ng mga alagad ng batas, na nauwi sa barilan.
Naisugod sa pagamutan ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong pakete ng hinihinalang shabu, dalawang cellphones, isang 9mm pistol, tatlong basyo ng 9mm pistol, at mga ID ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Anang mga awtoridad, ang operasyon ay bahagi ng crackdown na inilunsad nila laban sa mga police officers na sangkot sa recycling o pagbebenta ng ilegal na droga.
Nauna nang nakatanggap ang mga awtoridad na si Lactaotao ay sangkot umano sa illegal drug trade. (ALMAR DANGUILAN)