NAHAHARAP sa kaso ang isang babae at lalaking Chinese national nang ireklamo ng isang dalagitang housekeeper na umano’y binayaran ng P200 kapalit ng sex-chat sa Las Piñas City nitong Linggo ng gabi.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Anti Trafficking in Person Act; RA 10175, Anti Cybercrime Law; at RA 76109, Child Abuse, ng pulisya ang mga suspek na kinilalang sina Li Pingqiao, 23 anyos, at Lina Phuong, 23 anyos, kapwa Chinese national ng Avida Tower, Almanza Uno, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat kay Las Piñas City Police chief P/Col. Segundo Lagundi Jr., ang insidente ay sinabing naganap sa 481 Sanchez Place, Alabang Zapote Road, Las Piñas City dakong 10:00 pm.
Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Girlie, 17 anyos, housekeeper, inupahan siya ng dalawang suspek para makipag-sex chat at babayaran siya ng halagang P200.
Agad naman nakapagsumbong ang biktima sa mga awtoridad kaya agad nahuli ang mga suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng dalawang Chinese national ang P200 na ibinayad nila at ang hard copy ng template para sa sex chat.
Payo ng mga pulis sa mga kababaihan, huwag agad magtiwala sa mga taong nag-aalok ng ganitong modus at ipagbigay alam sa kanila para mahuli agad.
Nakapiit sa detention cell ng Las Piñas City Police at sasampahan ng mga nasabing kaso sa Las Piñas Prosecutor’s Office.
(JAJA GARCIA)