TALAGANG nakai-inspire.
Ito ang inihayag ng Palasyo sa mga atletang Filipino na nakasungkit na ng gintong medalya sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games ( SEAG) sa bansa.
Hindi maikakaila, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maganda ang naging preparasyon ng mga atletang Pinoy.
Sinabi ni Panelo, walang substitute ang preparasyon sa anumang uri ng kompetisyon.
“We have to congratulate our Filipino athletes for that. Talagang nakai-inspire rin. Tsaka maganda ang preparation nila. There’s no substitute for preparation in competition,” ayon kay Panelo.
Linggo ng umaga nang sunod-sunod na makasungkit ng gintong medlya sina Agatha Wong sa Wushu; John Chicano sa men’s triathlon’ at Kim Mangrobang sa women’s triathlon.
ni ROSE NOVENARIO
Inulan ng papuri, pinag-usapan
SEA GAMES OPENING
SINABING WORLD CLASS
OPISYAL nang binuksan nina Pangulong Rodrigo Duterte katuwang si boxing superstar at Senador Manny Pacquiao ang 30th Southeast Asian (SEA) Games na ginaganap sa bansa pasado 7:00 pm, nitong Sabado, 30 Nobyembre, sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa umpisa ng programa ay napa-wow agad ang marami sa pagkanta ni Lani Misalucha ng pambansang awit na Lupang Hinirang.
Sinundan ito ng makapanindig balahibong mga pagtatanghal na binalot din ng napakagandang mga Filipino costumes ang bawat produksiyon.
Nagbigay sigla ang word-class Pinoy artists na sina Robert Seña, KZ Tandingan, TNT boys, Jed Madela, Iñigo Pascual, Elmo Magalona at iba pa.
Maging ang miyembro ng Black Eyed Peas na si Apl de Ap ay nagpaunlak sa kasiyahan at hindi nakalimot na isa siyang Filipino.
Dumagdag pa rito ang Francis Magalona medley na talaga namang nasabayan nang halos lahat ng mga manonood at damang-dama nila ang pagiging Filipino habang pinanonood at nakikikanta rito.
Nang pumasok ang Philippine delegation at mga atleta, sinabayan ito ng kanta ng Hotdog na “Manila” kung saan makikita si Pangulong Duterte, habang katabi ang Sultan ng Brunei at Prime Minister Hassanal Bolkiah, na napapaindak at pumapalakpak pa.
Litaw din ang gandang Filipina na pinangunahan nina Megan Young, Precious Lara Quigaman, at Pia Wurtzbach na naging mga lakambini ng bawat bansang kalahok.
Dahil dito, inulan ng papuri ang opening ng SEA Games, hindi lang mula sa mga kababayan natin kundi maging sa mga taga-ibang bansa.
Hindi umano nila inaasahang magiging napakaganda, napakahusay at napakaayos ng kalalabasan nito.
Ang ilan, sinabing naging emosyonal sila habang nanonood dahil kitang-kita kung gaano natin ipinagmamalaki ang ating lahi at kultura.
Sa tuwa ni Pangulong Duterte ay inatasan niya ang mga organizers ng SEA Games na bigyan ng complimentary tickets sa 56 sports ang mga kababayan na gustong manood nito.
(MICKA BAUTISTA)