TIMBOG ang isa sa tatlong holdaper matapos holdapin ang isang Grade 10 student sa Parañaque City, nitong Lunes.
Kinilala ang naarestong suspek na si Fernan Palisa, 24, binata, walang trabaho, ng Sitio De Asis, Barangay San Martin de Porres, Parañaque City habang nakatakas ang dalawa niyang kasama na sina alyas @Arjay at alyas @Mac-Mac.”
Ang biktima ay isang 17-anyos binatilyo, Grade 10 student, ng Sitio De Asis, Bgy. San Martin De Porres, Parañaque City.
Ayon sa ulat, nahuli sa isang follow-up operation ng Parañaque City Police sa pangunguna ni P/Cpl. Ognayon kasama ang mga tauhan BPATS, ang suspek sa Bicutan Footbridge, Bicutan Interchange, at Bgy. San Martin De Porres sa nasabing lungsod, dakong 3:00 pm.
Sinasabing naglalakad ang biktima nang biglang harangin at holdapin ng tatlong suspek na armado ng patalim at sapilitang tinangay ang kanyang cellphone saka tumakas.
Agad nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis at barangay na nagkasa ng follow-up operation hanggang maaresto ng suspek na si Palisa at narekober ang mga ebidensiya kabilang ang Oppo A3S at siyam na pulgadang kutsilyo.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek sa Parañaque Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)