WALONG pulis na nakatalaga sa mga lungsod ng Makati, Caloocan, at Valenzuela ang nahuli sa aktong natutulog ng Red Team surveillance group na ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Sinabi ni NCRPO director P/BGen. Debold Sinas, ang apat na pulis na nakatalaga sa Makati City, dalawa sa Caloocan City at dalawa rin sa Valenzuela City.
Nang mahuli ang mga pulis hindi naman sila pinagalitan o inalis sa puwesto ni NCRPO Chief kundi pinagsabihan ng opisyal na ipagpatuloy ang kanilang trabaho at hangga’t maaari ay iwasan ang pagtulog sa oras ng duty.
Hindi binanggit ang mga pangalan ng walong pulis na nahuling natutulog habang sila ay naka -duty.
Inatasan ng opisyal ang superior officers ng walong pulis na imbestigahan sila at pagpaliwanagin matapos mahuling natutulog sa oras ng kanilang duty.
Ayon kay Sinas, hindi ginising ng binuong “Red Team Group” ang walo na nahuling natutulog kundi kinuhaan lamang ng mga larawan.
Sa report ng NCRPO, 28 Oktubre at 2 Nobyembre nahuli ng read team group ang walong pulis na natutulog .
Ipinadala ng miyembro ng red team ang larawan ng walo kay NCRPO Chief Sinas.
Napag-alaman, ang Red Team Group ay binuo ng mga dating tauhan ni Sinas sa Central Visayas. (JAJA GARCIA)