BUKING ang ipupuslit na shabu na inihalo sa ‘hotsilog’ ng isang 27-anyos babae bilang pasalubong sa dadalawin niyang kaibigang nakakulong nang dumaan sa inspeksiyon ng mga awtoridad sa Fairview Police Station (PS5) sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) ni P/Lt. Col. Rosendo Magsipoc, hepe ng Fairview Police Station (PS5), ang suspek ay kinilalang si Camie Olaguer, 27, nakatira sa Brgy. Gulod, Novaliches, QC.
Ayon kay Magaipoc, dakong 3:00 am, dadalawin ni Olaguer ang kaibigang si Bon Marco Medina, na nadakip noong nakaraang buwan dahil sa ilegal na droga.
May dalang kanin, hotdog at itlog o “hotsilog” na nakalagay sa styro si Olaguer, pero nang siyasatin ay may nakapailalim na apat na sachet ng shabu.
Itinanggi ng suspek na sa kanya ang droga at sinabing napag-utusan lang siya ng kaanak ng kaibigan.
Hindi man naibigay ang pasalubong na ‘shabu-silog’ tuluyan nang nakasama ng ‘dalaw’ ang nakakulong na kaibigan, habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Olaguer. (ALMAR DANGUILAN)