NAKOMPISKA ng mga tauhan ng Pasay City Veterinary Office ang 300 kilong karne ng baboy na umano’y nangangamoy at nakalatag sa bangketa sa lungsod kahapon ng umaga.
Nasabat dakong 10:00 am, ang mga naturang karne na nasita sa Advincula St., at FB Harrison ng nasabing lungsod.
Nakita umanong nakalatag sa bangketa na sinasabing nangangamoy na ang mga karne ng baboy sa nasabing lugar at nakatakdang i-deliver sa kanilang customers.
Sinabi ni Dr. Rolando Buenasor, City Veterinary Chief, natiyempohan nila ang mga nabanggit na karne habang tinatadtad gamit ang maruming sangkalan at sa tabi ng kalye ginagawa.
Ayon dito, pinagsabihan na sila ng barangay na nakasasakop sa lugar na huwag nilang gawin sa gilid ng kalye ang pagkatay ng karne ng baboy.
Aniya, bagamat may permit ang mga naturang karne pero hindi maayos ang handling sa mga karne.
Diin nito, dapat maging maayos ang handling sa mga karne at hindi dapat sa kalye ginagawa ang pagkatay.
Dahil dito kinompiska ng mga awtoridad ang naturang mga karne.
Kamakailan naghigpit ang Department of Agriculture (DA) ukol sa mga ibinebentang baboy at kailangan ang sertipikasyon ng National Meat Inspection Service upang matiyak na ligtas sa African Swine Fever (ASF) ang mga karne sa merkado. (JAJA GARCIA)