HINDI ambush kundi malapitang pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan ang isang kolumnista at isa niyang kasama, ng sinabing ‘poste’ ng peryahan sa kainitan ng kanilang pagtatalo, kamakalawa ng gabi, 20 Oktubre, sa Bgy. Cacutud, bayan ng Arayat, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Dale Soliba, hepe ng Arayat Police, sa tanggapan ni P/Col. Jean Fajardo, Pampanga Provincial Police director, kinilala ang mga biktimang sina Jupiter Gonzales, 52 anyos, residente sa 61-C Dela Fuente St., Sampaloc, Maynila, na sinabing naitakbo pa sa ospital ngunit hindi umabot nang buhay; at isang Christopher Tiongson, dead on the spot, matapos barilin sa kaliwang bahagi ng noo.
Si Gonzales, batay sa nakuhang identification cards ay reporter/kolumnista ng pahayagang Remate at Bagong Toro.
Anang pulisya, kung pagbabatayan ang tama ng bala ni Gonzales, pinaniniwalaang ang bumaril ay nasa loob din ng sasakyan sa kanyang likuran.
Pinaghahanap at nakaalerto na umano ang suspek na sinasabing ‘poste’ ng peryahan na kinilalang si Armando Maglaya Velasco, alyas Ambet, sinabing taga-San Rafael, Bulacan.
Base sa pagsisiyasat ni P/Cpl. Lawrence Perez, sakay ang dalawang biktima ng Nissan Almera, may plakang AQA-8441, minamaneho ni Gonzales.
Pagtapat sa peryahan sa Bgy. Cacutud sa naturang bayan, napansin na mainit ang nagtatalo ng sinasabing ‘poste’ ng peryahan na si alyas Ambet, at ng dalawang biktima na ikinagalit ng una kaya pinagbabaril sila ng kalibre .45 baril.
Sa ulat ng ilang taga-media, makikita sa isang closed circuit television (CCTV) camera kung paano binaril sina Gonzales at ang kasama niyang si Tiongson.
Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), kung mapapatunayang pinaslang si Gonzales dahil sa kanyang trabaho, siya ang magiging ika-14 peryodistang pinatay sa ilalim ng Duterte ad-ministration at ang ika-187 mula noong 1986.
Naniniwala ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), may kinalaman sa trabaho ang motibo sa pagpatay kay Gonzales.
Ayon kay PTFoMS executive director Joel Egco, “binabanatan kasi ni Jupiter ang mga ilegal na sugalan at peryahan sa lugar.”
ni LEONY AREVALO