IGINAGALANG ng Palasyo ang pasya ni General Oscar Albayalde na magbitiw bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
“The Palace respects the decision of Philippine National Police (PNP) General Oscar Albayalde to go on a non-duty status (NDS) ahead of his retirement on November 8, 2019,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ang non-duty status aniya ay isang pribelehiyo at boluntaryong ginagawa alinsunod sa guidelines ng National Police Commission (Napolcom).
“We wish General Albayalde all the best in his future undertakings as we express our sincere gratitude to the former PNP Chief for his services to this Administration, the nation and to the people,” ani Panelo.
ni ROSE NOVENARIO
HEARSAYS HUWAG
GAMITIN SA ASUNTO
NAGBABALA si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang senador na kasama sa nag-iimbestiga sa isyu ng “ninja cops” na posibleng magkaroon ng problema dahil sa pagbibigay ng konklusyon kahit hindi pa tapos ang pagsisiyasat.
“Mawalang-galang na rin sa ibang senador. Alam mo pag nag-iimbestiga ka ‘wag ka munang magsalita na guilty o ang ebidensiya ay malakas. Hayaan mo na muna sanang matapos at saka ka gumawa ng rekomendasyon. Otherwise, e may problema ka talaga, pare-pareho kayong magkakaproblema,” ani Panelo.
Tinawag ni Panelo na hearsay ang testimonya ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nag-uugnay kay resigned PNP chief General Oscar Albayalde sa drug recycling.
“Iyon namang kay Mayor Magalong, with due respect to you, e ang naririnig ko rin kasi, parang hearsay din, parang hindi personal knowledge e, hindi rin papasok sa hukuman iyon. Iyon ang nagiging problema niyan,” ani Panelo.
Dagdag ni Panelo, mahina ang testimonya ni retired police general Rudy Lacadin dahil hindi sigurado kung seryoso o biro ang pag-amin ni Albayalde sa kanya na nakinabang nang konti sa drug recycling noong 2013 sa Pampanga.
Gayonman, tiniyak ni Panelo, bukas ang Palasyo sa maibibigay na impormasyon ng publiko hinggil sa pagkatao ng mga opisyal ng gobyerno.
“Aba, hindi lang hihimukin, ‘di ba palaging sinasabi ni Presidente ‘assert yourself, gumawa kayo ng gulo, makararating sa akin iyan, magpakita kayo sa akin, magreklamo kayo, guluhin n’yo, manampal kayo para malaman ko kaagad,’ ‘di ba. Si Presidente mismo ang nag-e-encourage e,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)
PAGBIBITIW
NI ALBAYALDE
IKINATUWA
NG SOLON
NATUWA si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa pagbibitiw ni PNP chief Oscar Albayalde.
Ani Fortun, ang pananatili ni Albayalde sa posisyon ay makasisira sa institusyon ng pulisya.
“While he may be presumed innocent until proven otherwise, his continued stay as PNP chief will not do the whole institution any good,” ani Fortun.
Aniya, kailangan umalis sa puwesto si Albayalde upang maiwasan ang impluwensiya sa ginagawang imbestigasyon.
“First, he has to relinquish such powerful and influential position in order to pave the way for a speedy and impartial investigation on these extremely disturbing issues hounding the PNP,” giit ni Fortun.
Paliwanag ng kongresista, sa gitna ng lahat ng eskandalong bumabalot sa hepe ng pulisya, hindi na siya magiging epektibo sa kanyang trabaho.
“With all of these investigations confronting him, his focus and concentration are already greatly compromised,” ayon kay Fortun.
Aniya, hindi makatutulong sa isang malaking organisasyon na magkaroon ng hepe na nahaharap sa malaking eskandalo kagaya nitong droga.
Sa panig ni Rep. Elpidio Barzaga ng Dasmariñas Cavite, ang pagdinig sa Senado ay nagdulot ng maling pagdama na guilty si Albayalde.
“There is a constitutional presumption of innocence and this applies to General Oscar Albayalde. However, the ongoing back-to-back Senate hearings including media reports have already created a public perception that General Albayalde is guilty,” paliwanag ni Barzaga.
Napasama pa, aniya, ang sitwasyon ni Albayalde dahil sa testimonya nina dating General Benjamin Magalong at General Rudy Lacadin. Si Magalong ay kasalukuyang mayor ng Baguio City.
(GERRY BALDO)