PATULOY ang ginagawang sariling “clearing operations” partikular sa mga ruta na idineklarang Mabuhay Lanes dahil sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa darating na Kapaskuhan, ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Sinabi ni Asst. Secretary Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, inaasahan nila na madaragdagan ang volume o bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada sa ikatlong linggo ngayong Oktubre.
Kailangan malinis lahat ng mga alternatibong ruta para sa mga motorista partikular ang Mabuhay Lanes para magamit.
Pinuri ni Pialago ang mga lokal na pamahalaan na nakikipagtulungan sa kanila ngayon partikular sa pagbawi sa mga polisiya nila tulad ng dating pagpayag sa one-side parking sa mga kalsada.
“Araw-araw tatlong clearing operation teams ang kumikilos sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para magtanggal ng mga obstruksyon tulad ng ilegal na pagparada ng mga sasakyan, ilegal na terminal, illegal vendors at mga estruktura na sagabal sa mga kalsada at bangketa,” ani Pialago.
(JAJA GARCIA)