HINDI na umabot nang buhay nang isugod sa pagamutan ang isang aktibong pulis habang nag-eehersisyo sa loob ng kampo sa Taguig City, nitong Miyerkoles.
Pinaniniwalaang inatake sa puso ang biktimang si P/SSgt. Victorino Oreiro, Jr., 39, naka-talaga sa Police Community Precinct (PCP-3) ng Taguig City Police Station. Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong 6:00 am, nangyari ang insidente sa National Capital Region Police Office/NCRTS Camp Bagong Diwa, sa harapan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB), Bicutan, Taguig City. Si Oreiro ay sumasailalim sa Public Safety Junior Leadership Course (PSJLC) schooling sa NCRTS ng naturang kampo.
Biglang bumagsak ang biktima sa lupa sa gitna ng kanilang road run (physical conditioning) sa RMFB Road, dakong 5:50 am. Isinugod si Oreiro ni P/Lt. Col. Rene Zunega, Medical Doctor ng Regional Health Service, sa ospital pero nalagutan ng hininga dakong 6:35 am. (JAJA GARCIA)