ISANG Chinese national na kalalaya pa lamang sa detention cell, ang muling dinakip ng mga awtoridad nang marekober ang ilang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at mga bala ng baril sa inuupahang kuwarto sa isang hotel sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Yin Xuan Sun, 22, office staff, residente sa Chengdu, Sichuan, China.
Base sa ulat ni Pasay City police chief Col. Bernard Yang, dakong 8:30 pm nang madiskubre ang pitong pakete ng umano’y shabu at 21 pirasong bala sa loob ng isang Armscor box, sa hotel na matatagpuan sa F.B. Harrison Ext., Barangay 75, Zone 10, Pasay City.
Nauna rito, humingi ng police assistance ang staff ng hotel sa Police Community Precinct (PCP) Baclaran kaugnay ng umaalingasaw na mabahong amoy mula sa Room 344.
Pagdating ng mga pulis, agad nagtungo sa nasabing kuwarto kasama ang ilang staff, dito nadiskubre ang mga nabubulok na pagkain at nagkalat na plastic sachets ng shabu at isang kahon ng bala ng baril.
Sa record, ang suspek na si Sun, nagrerenta sa nasabing kuwarto ay dinakip nitong Sabado, dakong 10:00 pm, dahil sa paglabag sa City Ordinance 6012 (Smoking in Public Place) at RA 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunitions Law) sa Taft Avenue Ext., Bgy. 78, Zone 16 sa nasabing lungsod.
Nakompiska sa dayuhan ang isang unit ng Llama caliber 7.65 mm na may serial number 11669, may kasamang magazine at tatlong bala.
Iniimbestigahan ang suspek sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) at nakatakdang sampahan ng dagdag na kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.
ni JAJA GARCIA