Isinisi ni dating Health Secretary na ngayon ay Senior Minority Leader Janette Loreto-Garin ang pagsiklab ng polio sa bansa sa mga “fear-mongers” at “pseudo-experts” na naghasik ng pagkatakot sa dengue vaccine.
Ayon Garin, kumukalat na naman ang polio sa bansa matapos ang pagkawala sa nakalipas na 19 taon.
Ayon sa Department of Health (DOH) nitong 19 Setyembre 2019, kompirmado ang mga kaso ng polio sa Lanao Del Sur at Laguna.
“The resurgence of Polio is a measurement of the effectiveness of fake news being spread by fear-mongers against vaccines and a testament to the new challenges public health is facing,” ani Garin.
Aniya ang takot ng taong-bayan sa pagpapaturok ng mga bakuna ay nagsimula sa mga taong nagpangap na may alam sila sa dengue vaccine.
“They plastered their faces and spewed lies after lies feeding the media. They frightened the people of an effective vaccine which is now being used in 21 countries including the US (United States) and the EU (European Union),” ani Garin.
Tinutukoy ni Garin ang Dengvaxia.
Nagkaroon, umano, ng takot ang mamamayan sa bakuna na nagresulta sa pagkalat ng tigdas, Japanese encephalitis, at dengue.
Wala aniyang ginawa ang mga opisyal ng DOH, dahil sa takot na sila ay sampahan ng kaso.
“Kung konti lang ang nagpapabakuna, may posibilidad na magising ang matagal nang knockout na polio virus,” aniya.
“Ngunit ngayon na bumalik ang polio, hinihikayat ko ang lahat, lalo ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Kailangan makompleto ang lahat ng bakuna. Ugaliin din maghugas ng kamay at dumumi lamang sa mga palikuran,” ayon kay Garin.
Aniya nagtagumpay ang mga “alarmists and the pseudo-experts” sa pagpabalik ng mga sakit na nawala sa bansa.
Hinikayat ni Garin ang media na bawasan ang pagpalabas ng mga “fear-mongers” at ilabas ang istorya ng mga tunay na eksperto sa mga sakit na nabanggit.
(GERRY BALDO)