WALA nang aabala pa sa pagtulog ng tatlong pulis na nakatalaga sa Las Piñas City nang tuluyang sibakin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Guillermo Eleazar nang maabutang natutulog sa habang naka-duty kahapon ng madaling araw.
Nadatnang natutulog ni Eleazar sina Cpl. Eugene Ybasco at Cpl. Jayson Monsales, kapwa Mobile Patrol Officer, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP 3) Barangay Zapote, Las Piñas City sa ilalim ni precinct commander P/Maj. Joel Gomez.
Base sa ulat na inilabas ng Southern Police District (SPD), habang naka-standby ang mobile car ng Police Assistance Desk (PAD) nina Ybasco at Monsales sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road, Barangay Pamplona Dos namataan sila ni Eleazar.
Nahuli rin ng heneral sa kasunod na inspeksiyon sa karatig na presinto ang isang duty desk officer ng PCP 2 na natutulog sa kanyang upuan nang lapitan at muntik pang bumunot ng kanyang service firearm matapos maalimpungatan na kinilalang si P/SSgt. Danny Cerbito. Ang PCP-2 ay pinamumunuan ni P/Lt. Edgardo Orongan.
Layunin ng sorpresang inspeksiyon ay para masiguro ang tapat sa serbisyo at sumusunod ang mga pulis sa kanilang tungkulin.
Agad dinisarmahan ni Eleazar ang tatlong pulis na nahuling natutulog habang pinaaalalahanan at pinapangaralan.
Siniguro ng NCRPO chief na sasampahan ng kasong administratibo ang tatlong pulis at paiimbestigahan dahil sa kapabayaan. Ipinag-utos ni Eleazar sa tatlong pulis na mag-ulat kasama ang kanilang hepe kahapon. (JAJA GARCIA)