ITINUTURING ng Palasyo ang pagdedeklara ng batas militar ay isang kasangkapan para maisalba ang demokrasya sa Filipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagiging masama ang martial law kapag hinaluan ito ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
“Those who perceive that a declaration of martial law is anti-democratic is oblivious of the fact that its application is precisely the very tool to save the exercise of democracy. It is only when it is clothed with abuse by its enforcers that it becomes obnoxious,” sabi ni Panelo sa kalatas hinggil sa ika-47 anibersaryo ng martial law na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Iginiit ni Panelo, nagtakda ng disiplina sa mga mamamayan ang Marcos martial law at naging matagumpay sa pagsugpo sa paglakas ng communist insurgency sa bansa.
Ang pahayag ni Panelo ay taliwas sa mga ulat na lalong lumakas at yumabong ang kasapian ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) noong panahon ng Marcos martial law.
Aminado si Panelo na may mga nakaranas ng “traumatic experiences” sa panahon ng Marcos martial law kaya hinimok niya ang mga mamamayan na matuto sa naging karanasan at gawin iyong giya sa kasalukuyan.
“Relative to our quest to strengthen the Republic and its institutions, the Palace urges everyone to look at the past to guide us on what to do with the present, that it may serve us better in the future,” dagdag ni Panelo.
(ROSE NOVENARIO)