PINANINIWALAANG prostitution den sa isang under construction na gusali ang sinalakay na spa ng mga operatiba sa Roxas Blvd., Parañaque City nitong MIyerkoles ng gabi.
Dinakip ng mga awtoridad ang 13 Chinese nationals na pinaniniwalang operators ng nasabing prostitution den, habang nailigtas ang 51 babaeng Chinese at pitong Filipina, sa nasabing spa sa lungsod.
Sa inisyal na ulat, nagkasa ng entrapment and rescue operations ang mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU), Women and Children Protection Desk – National Capital Region Police (WCPD-NCRPO), Parañaque police, local government officials, at Bureau of Immigration-Fugitive Section, laban sa Manila Wellness Spa sa ikatlong palapag ng under construction na Diamond Bay Tower sa Roxas Blvd., Barangay Baclaran, Parañaque City, dakong 11:45 pm.
Ibinunsod ang operasyon dahil sa natanggap na report ng RSOU kaugnay ng umano’y prostitution den na ino-operate ng Chinese personalities.
Nagkasa ng serye ng casing at surveillance ang mga awtoridad hanggang isagawa ang entrapment and rescue operations.
Nakuha sa loob ng spa ang mga ebidensiya na sinasabing ginagamit sa aktibidad ng prostitusyon gaya ng sandamakmak na condoms at nakompiska ang P1.8 milyong pisong kita ng establisimiyento mula sa kanilang ilegal na gawain.
Kasong paglabag sa Section 4 (acts of trafficking in persons) ng RA 9208 as amended by RA 10364 ang isasampa laban sa 13 Chinese maintainers at Sec. 13 (use of trafficked persons) ng RA 9208 as amended by RA 10364 para naman sa 18 Chinese customers.
Nadiskubre ng kampo ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang raket ng spa dahil sa kahina-hinalang presensiya ng mga Chinese sa nasabing gusali kahit under construction pa at wala pang occupancy permit at business permit.
(JAJA GARCIA)