ISANG 26-anyos dalaga ang naghain ng reklamong panghahalay laban sa isang 41-anyos lalaking kasamahan sa trabaho na sinamantala ang kanyang kalasingan habang natutulog.
Itinago sa pangalang Elisa ang biktima, part time bookeeper sa Generals Lechon sa Sun Valley, Parañaque City.
Ayon kina P/Cpl. Julius Arabudo at P/Cpl. Elena Amlos ng PCP-7, nagtungo sa kanilang presinto dakong 8:00 pm ang biktimang si Elisa upang ireklamo ang kanyang kasamahan sa trabaho na si Niño Rey Ayag ng Guillermo St., Culdesac, Bgy. Sun Valley, Paranaque City.
Agad nagresponde sina Arabudo at Amlos sa naturang lugar kung saan nahuli ang suspek na si Ayag.
Bago nangyari ang panghahalay, nagkayayaan umano ng inuman ang suspek kasama ang biktima at dalawa pa nilang kasamahan sa bahay ng suspek.
Sa gitna ng inuman agad nakaramdam ng pagkahilo dahil sa alak ang biktima at inalok ng suspek na magpahinga muna sa kuwarto nito.
Nakaidlip ang biktima at dito sinamantala ng suspek ang pagkakataon.
Naramdaman ng biktima na may nakapatong sa at nang idilat ang mata’y nakita ang nakahubad na lalaki habang hinihimas ang kanyang dibdib hanggang tuluyang maisakatuparan ang maitim na pagnanasa sa dalaga.
Sinikap umanong manlaban ng biktima ngunit hindi niya nagawa dahil sa labis na pagkahilo at muling nakatulog.
Pagkagising, nakita niya ang suspek at binati pa siya ng “Kumusta ka na?”
Agad nagbihis ang dalaga at nagtungo sa himpilan ng PCP-7 at ikinuwento ang ginawang panghahalay sa kanya ng suspek na agad namang naaresto nina Arabudo at Amlos.
Nakakulong sa detention cell ang suspek at nahaharap sa kasong panghahalay.
(JAJA GARCIA)