IDINEKLARA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang all-out war laban sa rebeldeng grupong New People’s army (NPA).
Sa talumpati ng Pangulo sa Palasyo, sinabi niyang walang humpay na pag-atake sa NPA ang utos niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi niya na hindi na tatanggap ang gobyerno ng rebel returnee.
Minaliit din niya ang NPA dahil iilang komunista na lamang ang mayroong ideolohiya at pawang matatanda na.
Pursigido si Pangulong Duterte na pulbusin ang komunistang grupo sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nangangamba si Pangulong Duterte na hindi masosolusyonan ng susunod na presidente ng bansa ang problema sa komunismo.
Bukod sa NPA, malaking problema rin sa pangulo ang ISIS.
Ayon sa Pangulo, pinagpapawisan ang kanyang kamay kapag naiisip ang ISIS dahil hindi madaling solusyonan ito.
Ayon kay Duterte, “Itong ISIS is something that I am really scared. Nagpapawis ang kamay ko ‘pag iniisip ko ‘yang — no it’s a worldwide… Forget Abu Sayyaf, forget about the Maute. Anong kalaban natin diyan is the terrorists, the ISIS-connected… At hindi ito madadala. This is a mass insanity that cannot be cured just as — it’s just like an epidemic. Dadaan ‘yan and after that it simmzers down then there’s a cycle again.”
Ayon sa Pangulo, kapag hindi naresolba ang problema sa ISIS posibleng maulit ang naganap na pambobomba sa Sulu at sa ibang parte ng bansa gaya ng Davao at Zamboanga.
ni ROSE NOVENARIO