NANAWAGAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa barangay officials, kalapit na police station at Police Community Precinct (PCP) na tumulong sa pagmamantina ng kaayusan laban sa mga obstruction at illegal vendors sa kanilang nasasakupan lugar.
Sinabi ni MMDA Task Force Special Operation Head Memil Rojas, dapat may nagbabantay na barangay official sa mga nalinis na ng MMDA para hindi na makabalik ang illegal parking at illegal vendors sa mga lugar na nilinis na ng ahensiya.
Ayon kay Rojas, halos araw-araw silang nagsasagawa ng paglilinis sa Metro Manila pero tila wala pa rin disiplina ang ilang mamamayan partikular sa Taft Ave., Libertad, at Baclaran sa lungsod ng Pasay.
Dagdag ng opisyal, kailangan umanong tumulong ang barangay officials at pulisya sa pagmamantina ng kaayusan sa kanilang lugar laban sa obstructions sa mga pangunahing kalsada.
Kailangan umanong tumulong ang lokal na pamahalaan ng Pasay at gawin ang mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte upang magamit nang maayos ang kalsada at bangketa ng publiko.
Nauna nang nagbigay ng 60 days ang DILG sa mga lokal ng pamahalaan sa Metro Manila para linisin at tanggalin ang mga obstruction sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
(JAJA GARCIA)