TIWALA ang Palasyo sa kakayahan ng Department of Agriculture (DA) na pangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa pagkain ng karne ng baboy.
Tugon ito ng Malacañang kausnod ng resulta ng laboratory test na positibo sa African swine fever (ASF) ang ilang sampol ng karne ng baboy mula sa lalawigan ng Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hintayin muna ang ilalabas na paalala o advisory ng Da hinggil sa ASF.
Aminado si Panelo sa ngayon, ang pinakarasonableng gawin ay iwasang kumain ng karne ng baboy habang inaantabayanan ang payo ng DA at Department of Health (DOH).
Gayonman, naniniwala si Panelo na hindi ilalagay ng DA sa kompromiso ang kalusugan ng publiko hinggil sa kinatatakutang ASF.
Patunay din ng ligtas na pagkain ng karne ng baboy ang ginawang boodle fight kahapon ng umaga ng ilang opisyal ng DA sa pangunguna ni Secretary William Dar at Health Secretary Francisco Duque.
ni ROSE NOVENARIO