MAAARI nang maghain ng reklamo ng mga paglabag sa Republic Act 11032, o ang anti-red tape act, sa pamamagitan ng text o sa social media, ayon kay Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Atty. Jeremiah Belgica sa Kapihan sa Manila Bay media forum sa makasaysayang Café Adriatico sa Malate, Maynila.
Nilagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11032, o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, noong nakaraang buwan ng Hulyo at dito nakasaad ang bahagi ng nasabing ahensiya bilang pangunahing tanggapan na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga kaso ng paglabag sa batas na nagtatakda ng deadline o palugit sa mga ahensiya ng pamahalaan para kompletohin ang mga transaksiyon sa gobyerno ng mamamayan.
Inilinaw ni Belgica, may kapangyarihan ang ARTA na tumanggap ng mga reklamo mula sa publiko sa multiple format, kabilang ang text messages, pagtawag sa ARTA hotline, at social media post, kung ang reklamo ay may kalakip na pagkakakilanlan ng nagrereklamo at gayondin ang mga contact detail nito, bukod sa mga detalye ukol sa inirereklamong ahensiya ng gobyerno at uri ng transaksiyon at katibayan na kakailanganin.
Kasunod ng inisyal na reklamo, magsasagawa ng imbestigasyon ang ARTA at saka magdedesisyon kung maipagpapatuloy ang pormal na reklamo habang binibigyan ng karapatan ang ahensiyang inirereklamo na sagutin ang hinaing laban sa kanila.
Kung sakaling hindi sapat ang paliawang ng ahensiya, saka lang maghahain ng final complaint laban dito.
Batay sa RA 11032, requirement sa lahat ng sangay ng pamahalaan na iproseso ang mga simpleng transaksiyon sa loob ng tatlong araw at yaong mga complex transaction sa loob pitong araw at kung highly-technical transaction naman sa 20 araw.
Kailangan tugunan ng mga lumabag ang mga reklamo laban sa kanila sa Civil Service Commission (CSC) o sa korte. Nakasaad sa batas ang kaukulang mga kaparusahan sa paglabag nito, kabilang ang suspensiyon hanggang pagkakaalis sa serbisyo at pagkawala ng mga benepisyo, depende sa bigat ng pagkakamali at pag-ulit ng mga paglabag.
“We could file a case with the civil service, with the Ombudsman and other appropriate courts. Puwede rin ho kaming mag-file din ho ng (We could also file) reports and complaints (to the) Office of the President and other administrative agencies that that specific person actually belongs to,” punto ni Belgica.
Inihayag ng hepe ng ARTA ang kanilang complaint channel sa ARTA website, ang 8888 hotline, Facebook page ng ARTA, at ang CSC contact center, na maaaring ma-contact sa 0908-881-6565.
Plano rin umano ng ARTA na ilunsad ang kanilang 1-ARTA hotline ngayong buwan.
(TRACY CABRERA, may kasamang ulat ni RICA ANNE D. DUGAN, trainee)