SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte si Nicanor Faeldon bilang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa kontrobersiyal na pagpirma sa release order ni convicted rapist killer at dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon sa pagpapalaya ng BuCor sa 1,700 convicted criminals alinsunod umano sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law maging ang komite na humahawak sa kanilang kaso.
Kasama rin sa sisiyasatin si Sen. Ronald dela Rosa na dating BuCor chief at may pinalayang 300 convicted criminals sa ilalim ng GCTA.
Nanawagan si Pangulong Duterte sa 1,700 pinalaya sa ilalim ng GCTA na sumuko sa pulis o militar at magpa-recompute ng kanilang sentensiya sa Department of Justice (DOJ).
Nagbabala ang Pangulo sa mga hindi susuko na idedeklara silang pugante at maaaring mapaslang kapag nanlaban sa mga awtoridad.
Hindi muna sinabi ng Pangulo kung sino ang ipapalit kay Faeldon.
Inatasan ng Pangulo sina Justice Secretary Menandro Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año na repasohin ang implementing rules and regulations (IRR) ng GCTA law.
ni ROSE NOVENARIO