KAPALIT ng mga pinalayang convicts ay mga opisyal na nagpalaya sa kanila.
Ito ang lumabas sa pagdinig kahapon sa Kamara patungkol sa isyung muntik nang mapalaya ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at higit 2,000 pinalaya sa kuwestiyonableng pamamaraan.
Ayon sa nga kongresista, maaaring makulong nang mahigit 2,000 taon ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (Bucor) dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na mahigit 2000 preso ang napalaya mula 2014.
Ayon kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles hindi lamang pagkakulong ang ang haharapin ng mga sangkot sa maling pagpalaya sa mga convict kundi multang P100,000 kada isang preso na pinalaya.
“2,160 released heinous crimes convicts means 2,160 counts. 2,160 years (na kulong) and 216,000,000 fines per person,” ani Nograles.
Aniya lahat ng opisyal ng BuCor kasama ang miyembro ng Management, Screening and Evaluation Committee (MSEC) na nag-e-evaluate sa bawat good conduct ng mga preso ay mananagot umano sa batas.
“So, those who recommended release and approved release for the heinous crimes convicts may be criminally liable for violation of Sec. 6 of RA10592 the GCTA law,” paliwanag ni Nograles.
Hindi lamang ang mga kasalukuyang opisyal ng Bucor ang mananagot kundi ang mga nagdaang opisyal simula nang ipatupad ang nasabing batas noong Setyembre 2013.
Sa panig ni Albay Rep. Edcel Lagman, dapat matuto ang gobyerno sa pagre-recycle ng mga walang kuwentang opisyal.
“The recycling of garbage for reusable purposes is welcome but the recycling of rubbish officials must not be tolerated,” ani Lagman.
ni GERRY BALDO
FAELDON PALUSOT
— LACSON
NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na nagpapalusot lang si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon base sa kanyang pagharap sa pagdinig ng justice committee ukol sa kuwestiyonableng pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para mapalaya ang convicted inmates tulad ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ipinunto ni Lacson ang pagsisinungaling ni Faeldon na hindi release order ni Mayor Sanchez ang kanyang nilagdaan kundi isang release memorandum order.
Ngunit ayon kay Lacson malinaw na pagpapalusot lang ang paliwanag ni Faeldon dahil hawak niya ang isang release order na nilagdaan ni Correction Technical Chief Supt. Maria Fe Marquez para kay Faeldon para sa pagpapalaya sa tatlong akusado sa pagpaslang at paggahasa sa magkapatid na Jacqueline at Marijoy Chiong.
Ayon kay Lacson, ang ipinakitang release order sa mga nakalayang suspect na pumaslang sa Chiong sister at ang release memorandum order na sinasabi ni Faeldon para kay Sanchez ay halos walang ipinagkaiba
Dagdag ni Lacson, naunsiyami ang pagpapalaya kay Sanchez dahil sa public outcry o kumalat sa publiko at ito ay tinutulan.
Kasabay nito, umaasa ang senador na makagagawa ng sapat na aksiyon ng pangulo para kay Faeldon matapos na tahasang sabihin ng BuCor chief na hindi siya magbibitiw sa puwesto dahil ang pangulo lamang ang makapagpapabitiw sa kanya sa puwesto.
(CYNTHIA MARTIN)