ANG mga mapanganib na tao katulad ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez ay hindi na nararapat ibalik sa lipunan.
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, may butas ang batas patungkol sa tinatawag na “three-fold rule” ng Revised Penal Code.
Aniya kailangan amiyendahan ang batas na ito upang masiguro na ang mga katulad ni Sanchez na nasentensiyahan ng pitong habambuhay na pagkakabilanggo ay hindi makalalabas ng kulungan habang buhay.
“Seven counts of reclusion perpetua should mean an eternity spent in jail. But the three-fold rule says otherwise. We should not allow dangerous people to be reintegrated back to our society,” ani Yap.
Tinukoy ni Yap ang nakasaad sa Article 70 ng Revised Penal Code.
Aniya ang batas na ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga convict na makalaya bago pa matapos ang kanyang sentensiya lalo kung naka-40 taon na sa loob ng kulungan o kaya nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Nais ni Yap na gawing life imprisonment ang “maximum period of 40 years of imprisonment” lalo na kung sobra pa sa isang reclusion perpetua ang ipinataw na hatol sa salarin.
Taliwas sa sinasabi ni Sen. Bato Dela Rosa na bigyang pagkakataaon si Sanchez, sinabi ni Yap, hindi kailangan ng lipunan si Sanchez at mga katulad niyang nakagawa ng karumaldumal na krimen.
(GERRY BALDO)