NABAWI na ng lungsod ng Taguig ang mga pampublikong kalsada na ginagamit sa pribadong interes.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, ang accomplishment ay naisagawa na, sa kalahati ng 60-day deadline na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang linisin ang lahat ng kalsada sa bawat lungsod.
Ang pagpapataw ng deadline ay alinsunod sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang binigyang-diin niya na dapat muling mabawi ang lahat ng kalsada na ginagamit para sa pribadong interes.
Tiniyak ng lungsod ng Taguig na ang lahat ng mga daanan ay nagagamit ng publiko. Noong 2010 pa nagsimulang magsagawa ng clearing operations ang pamahalaang lungsod.
Ang pagpapaalala at direktiba ng Pangulo ay nagbigay inspirasyon sa lokal na pamahalaan ng Taguig upang magpasa ng executive order na nakapokus sa long-term mobility ng lungsod.
Ang simple ngunit komprehensibong layunin ng EO ay gawing mabilis at ligtas ang mga daraanan ng mga pedestrian sa naturang lungsod .
“We just intensified our clearing operations and we are continuing to work with the community so we can move to the next phase of our mobility operation,” wika ni Mayor Lino.
Sinabi ng alkalde, para mapanatili at maging malinis ang mga kalsada kinakailangan na mas isaayos ang mga polisiya, baguhin ang kultura ng mga residente at magsagawa ng mga impraestruktura na makatutulong dito.
Ang umiiral na Taguig Vehicle Pedestrian at Mobility Plan ay mas isinaayos at ibinatay sa 10-point agenda ni Mayor Cayetano na nagbibigay-diin sa pangangailan ng safe city para sa bawat mamamayan.
(JAJA GARCIA)