KUNG hindi nadadala ang mga nagtitinda sa bangketa, durugin ang mga paninda.
‘Yan ang mungkahi ni Marikina Rep. Bayani Fernando sa mga awtoridad kahapon.
Ayon kay Fernando, ang dating hepe ng Metro Manila Development Authority (MMDA), may batas na nagsasabi na basura ang mga bagay na nasa bangketa.
Sa press conference sa Media Center kahapon, sinabi ni Fernando, ang tao ay hindi naman maglalagay sa bangketa ng hindi niya kayang ipanakaw.
Aniya ang ibig sabihin, basura ang mga panindang iyon.
“May batas na tayo na matibay diyan na ipinasa namin noong panahon ko as chairman (MMDA), all goods on the sidewalks are considered common garbage — basura, ang lahat ng nasa bangketa. Kukunin ng gobyerno ‘yan at itatapon,” ayon kay Fernando.
Aniya, mas mainam kung sisirain ng mga operatiba ang mga paninda sa harap ng vendor para mawalan ito ng halaga.
“Ngayon, ang policy ko naman doon sa operatives sisirain sa harap ng may-ari para sa ganoon mawalan ng halaga,” ani Fernando.
“Pag walang halaga hindi ka madadala kahit na saang korte. Hindi puwedeng sabihing pinagsamantalahan mo at kinuha mo at iniuwi mo sa bahay dahil sinira mo,” dagdag niya.
Sa kaso ng mga bahay o estruktura na lumagpas sa bangketa, aniya, dapat durugin din yaon.
Ibinida ni Fernando na may pandurog siya sa mga estrukturang lumalagapas sa bangketa.
“Noong araw ‘yung mga konkreto na lagpas sa mga bangketa, mayron ako talagang pandurog, backhoe, mayayanig pati bahay mo. May instruction ako sa nagdudurog noon na dapat mayanig nang konti ‘yung bahay, para madala huwag niyang malimutan ‘yun. Para ‘wag umulit. Hindi naman para pabagsakin mo ‘yung bahay niya,” ayon kay Fernando.
ni GERRY BALDO