MATAPOS ang back-to-back runner-up finishes, balik na sa wakas sa tuktok bilang reyna ang F2 Logistics matapos talunin ang Cignal sa Game 2, 25-14, 25-16, 25-19, sa kanilang 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference Finals series kamakalawa ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagningning para sa Cargo Movers si Fil-Am sensation Kalei Mau na kumana ng 19 puntos sa 17 atake upang giyahan ang koponan sa tuluyang 2-0 sweep kontra sa HD Spikers.
Bunsod nito, napasakamay ulit ng F2 Logistics ni head coach Ramil De Jesus ang PSL title matapos huling mapanalunan noon pang 2016.
Sa nakalipas na dalawang taon, matatandaan na nagkasya lang sa runner-up ang Cargo Movers sa likod ng dating 2-time champion Petron na inilaglag ng Cignal sa semis.
Sumuporta kay Mau si Kim Kianna Dy na may 13 puntos sa 9 atake at 4 blocks habang may tig-6 markers ambag sina Majoy Baron at Ara Galang.
Sa kabilang banda, tanging si Jovelyn Gonzaga na may 9 points ang nakapagpasiklab para sa HD Spikers na bigong matuldukan ang pambihirang Finals run nito matapos silatin ang kampeon na Blaze Spikers sa semis.
Samantala, itinanghal din si Mau bilang MVP at Best Scorer ng All-Filipino Conference.
Pinarangalan bilang Best Setter si Alohi Robins Hardy at Jeck Dionela bilang Best Libero ng Cignal.
Best Opposite Spiker si Dindin Santiago-Manabat ng Foton, 2nd Best Middle Blocker si Majoy Baron ng F2, 1st Middle Blocker si Jaja Santiago ng Foton din habang sina Rachel Ann Daquis ng Cignal at Sisi Rondina ng Petron ang pinangalanan bilang 1st at 2nd Best Outside Spiker, ayon sa pagkakasunod.
(JOHN BRYAN ULANDAY)