TINANGAY ng isang Chinese national ang idedepositong P200,000 cash ng pinagtatrabahuang kompanya sa Makati City, nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Rogelio Simon , ang suspek na si Ming Meng, 29, Chinese national, IT Technology ng Hua Xin Global Support Inc., residente sa SM Jazz 1512 Tower B sa nasabing lungsod.
Base sa ulat ni P/Cpl. Marlyn Wacdisen, may hawak ng kaso, bandang 5:30 pm nang mangyari ang pagnanakaw sa loob ng opisina ng Hua Xin Global Support Inc., na matatagpuan sa 09-18F Corporate Tower 2, Ayala Circuit, Makati City.
Sa imbestigasyon, tinangay umano ni Meng ang P200,000 cash ng kompanya na nakatakdang ideposito at agad na lumabas ng opisina.
Lingid sa kaalaman ng suspek, nabuko ito ni Jeofanie Abestano, protection agent ng kompanya, kaya agad nahuli ang dayuhang suspek at nabawi ang nasabing pera.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at inireklamo ng kasong qualified theft ng biktimang si Su Thiri Win, 28, isang Myanmar national, kinatawan ng kompanya.
(JAJA GARCIA)